Hindi na natin maipagkakailang ang pang-araw-araw nating buhay ay nakaugnay sa paggamit natin ng internet at digital devices. Kahit na ang mga kabataan ay mabilis na ring natutuhan ang paggamit ng mga cellphone o tablet sa paaralan, mga laro, o komunikasyon. Paminsan nga ay pabirong tinatawag ang iba na “ipad kids”, o mga batang chronically online at ayaw humiwalay sa kani-kanilang mga tablet.
Ang mga bata, may internet man o wala, ay likas na curious o mahilig tumuklas. Sa mata nila, ang daigdig ay isang mahiwagang mundo na bago pa lang nila kinikilala at tinutuklas. Dahil sa kanilang kawalan ng muwang, maraming mga estranghero o nakakatandang mga tao sa internet na minsa’y gustong samantalahin ang kanilang inosenteng pananaw sa mundo, karamihan ay para sa mga kadahilanang sekswal.
Tungkulin ng mga magulang na siguraduhin ang kaligtasan ng kanilang mga anak parati. Pero dahil ang mga bata ay mga tao lang din, kailangan din nila ng privacy. Hindi para magsikreto, kundi para makapagtatag ng healthy boundaries sa pagitan ng magulang at anak. Ngunit ang internet ay isang napakakumplikado at mabilis na espasyo. Bilang ama o ina ng batang tumutuklas ng internet, paano mo malalaman na ang anak mo ay ligtas mula sa mga malisyoso at masasamang katauhan sa internet? Sa blog post na ito, ipapaliwanag namin kung ano ang OSAEC, CSAM, at mga senyales na kailangan mo nang makialam sa online activities ng inyong mga anak.
Matatalino ang Mga Bata
Ang Pilipinas ay isa sa may pinakamalaking populasyon ng social media users sa buong mundo. Dahil sobrang normalized na ng paggamit ng mga kabataan sa internet, kahit ang mga menor de edad ay may kanya-kanyang nang mga social media accounts.
Madalas sa usapin ng privacy o safety sa internet ay itinuturing na walang kamuwang-muwang ang mga bata sa ganitong konsepto. Ngunit katulad ng matatanda, ang mga bata ay nagtataglay rin ng instincts o likas na pag-udyok o instinto. May taglay rin silang talino para makiramdam kung maganda o masama ang pakay ng isang tao sa kanila, mapa-online man o offline—kahit na hindi pa alam ng karamihan kung paano ito gamitin. Tungkulin ng mga magulang na tulungan ang kanilang mga anak na pagkatiwalaan ang kanilang sarili para makapagsagawa sila ng mas matatalinong desisyon.

Ano ang OSAEC?
Ang OSAEC o Online Sexual Abuse or Exploitation of Children ay binigyang kahulugan ng United Nations Office on Drugs and Crime bilang paggamit ng Teknolohiyang Pangimpormasyon at Komunikasyon (ICT) para sa sekswal na pang-aabuso na maaaring mangyari online at offline.
Madalas na naipagpapalit at naihahalintulad ang OSAEC sa OCSEA (Online Child Sexual Exploitation or Abuse). Ang dalawang terminolohiya ay pareho lamang. Kaya sa susunod na mabasa o marinig ang terminolohiyang ito, maiiwasan nang malito.
Ang OSAEC ay nagpapasailalim ng ilang krimen katulad ng:
- Produksyon o pagpapakalat ng Child Sexual Abuse Material (CSAM)
- Pagmamanipula at pagkuha ng tiwala ng mga menor de edad para sa mga intensyong sekswal
- Pamba-blackmail o pangingikil ng mga menor de edad para mga sekswal na intention
- Pagkakalat ng mga litrato o video ng sekswal na pang-aabuso
- Pagbebenta at pagpapasanegosyo ng mga sekswal na pang-aabuso ng mga menor de edad
- Online prostitution o cybersex
- Pagla-livestream ng sekswal na pang-aabuso
Ano ang CSAM?
Ang Child Sexual Abuse Material (CSAM) ay mas kilala sa tawag na child pornography. Ang mga tumatangkilik ng CSAM ay ang mga taong may sekswal na interes na kabilang ang mga menor de edad. Madalas itong ipinagbibili sa dark web dahil higit nang mas mahirap ikonekta ang mga nagbebenta sa mga bumibili. Ang isang web page lamang na dedikado sa pagbebenta ng CSAM ay mayroong mahigit na 2.5 milyong rehistradong users sa taong 2021 lamang. Sa taong 2023, mahigit dalawang-daan na pages at community forums ang nahuling dedikado sa child pornography. Ang nakakalulang bilang ng mga taong ibig magbenta at bumili ng child porn ay lubhang nakakabahala para sa mga magulang at guardian ng mga menor de edad.

Mga Madalas na Senyales ng OSAEC
Para sa mga menor de edad
Bago pa man magsimulang humingi ang mga masasamang loob ng CSAM, mayroong mga madalas na senyales ng grooming o panghihikayat. Kung mabilis itong mahuhuli ng iyong anak, mabilis silang makakaalis sa sitwasyon bago pa man maging huli ang lahat.
1. Pagpapakita ng espesyal na interes at pagkuha ng loob
Ang mananamantala ay maaaring iparamdam sa isang bata na espesyal siya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng atensyon na mas higit pa sa iba. Madalas ay pinupuri ng mananamantala ang bata, masyadong “close”, o nagpapanggap na marami silang common interests.
2. Pagbibigay ng mga regalo o pera
Maaaring kuhanin ng predator ang loob ng bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng pera, game credits, damit, laruan, at iba pang regalo na hinggil sa interes ng bata. Dahil dito, madalas mararamdaman ng bata na may utang na loob ito sa nagbigay kahit na hindi siya komportable rito.
3. Pagbubukod o paghihiwalay sa biktima mula sa kanyang mga pamilya, kaibigan, o support system.
Madalas na ginagawa ito ng masasamang loob para makaramdam ang bata ng isolation mula sa kanyang sariling komunidad o support system. Maaaring samantalahin nila ang maliit na hindi pagkakaintindihan upang ilayo ang loob ng bata sa mga taong tunay na may malasakit sa kanya.
4. Paghihingi ng mga personal na impormasyon
Sa una, mistulang hindi naman big deal ito. Minsan, tinatanong ng predator saan nakatira ang bata, saan siya nag-aaral, o ano ang pang-araw-araw na rutina nito. Sa pagbibigay ng mga impormasyon na ito, mas prone ang bata sa stalking o pagmamanipula.
5. Pagtatanong ng mga bagay na sekswal
Dahil inosente ang mga menor de edad, hindi agad mapapansin ng mga ito ang motibo sa mga tanong ng predator. Sa simula, tila hindi naman nakakabahala ang mga tanong tungkol sa katawan, mga relasyon, o kung may nagawa na silang “private” online. Kahit anong tanong na nagdudulot ng pagkailang o pagiging hindi komportable ng bata ay sapat nang senyales na hindi maganda ang motibo ng nagtatanong.

Para sa mga magulang
Minsan, natututo ang mga batang maglihim sa mga magulang o nakatatanda dahil sa takot na baka sila ay pagalitan o pagsabihan. Narito ang ibang mga senyales na ang anak mo ay maaaring ginu-groom ng ibang tao.
1. Hindi maipaliwanag na mga kagamitan o pera
Kung may napapansin na kagamitan ng iyong anak na hindi mo binili o nagkakahalaga sa presyong hindi naman tumutugma sa baon ng iyong anak, tanungin agad ang iyong anak kung saan ito nanggagaling nang hindi gumagamit ng tonong nag-aakusa o nambibintang. Maging mausisa, ngunit hayaan pa rin ang iyong anak na magpaliwanag.
2. Pagkawala ng interes sa mga kaibigan, pamilya, o hobbies
Alamin kung sino ang sinasamahan na mga kaibigan at grupo ng iyong anak. Kapag siya ay biglang tumigil sa pagsama sa mga ito, umiiwas sa oras pampamilya, o nawala ang interes sa mga bagay na madalas nagpapasaya at nag-aaliw sa kanya—maging alerto. Ang mga groomer o predator ay madalas inilalayo ang kanilang natitipuhang biktima sa kanilang mga support system sa pamamagitan ng paggawa ng dynamic kung saan dedepende lamang sa kanya ang biktima.
3. Bigla at nakakabahalang interes sa mga usaping sekswal
Pansinin ang pagkilos, pananamit, o pagsasalita ng iyong anak—lalo na kung hindi ito akma sa kanilang edad. Kung napapansing mas may obvious o natatagong sekswal na tema ang kanilang pagkilos, maging mapagmatyag nang hindi nambibintang.
4. Pagsisikreto o paglilihim ng mga interaksyon sa social media
Ang mga teenager ay madalas na nagnanais na mas pribado ang kanilang mga aktibidad online. Ngunit kung agarang tinatago ng iyong anak ang kanilang screen, nagde-delete ng mga messages, o nagagalit at nanghihingi ng mas pribadong oras, ito ay maaaring senyales na nakikipag-usap sila sa mga taong hindi magugustuhan ng kanilang magulang. Maaari ring nahihiya o natatakot sila dahil sa pagmamanipula ng taong kausap nito.
5. Pagsusumpong-sumpong, pangangamba, o pagkabalisa
Ang mga batang ginu-groom ay madalas makaranas ng internal conflict o pagkagulo ng isip. Madalas na pagka-iritable, pagkabalisa, o pagkawala ng interes sa mga bagay-bagay pagkatapos gumamit ng internet ay maaaring senyales na mayroong gumugulo rito online. Mapapansin din ito sa pagkaiba ng oras ng pagtulog, gana kumain, at grades sa school.
Anong gagawin kapag nagpakita ang iyong anak ng mga senyales
1. Ipaalam sa iyong anak na bukas ang iyong isipan at maaari ka niyang takbuhan.
Kailangang malaman ng iyong anak na ikaw ang pinakaligtas na tao sa puwede nilang takbuhan nang hindi sila hinuhusgahan, kahit na nakakaramdam sila ng kaakibat na takot o hiya.
2. Magset ng mga limitasyon o boundaries.
Gumawa ng mga nagpakasunduang tuntunin tungkol sa mga limitasyon sa paggamit ng digital devices. I-set rin ang privacy settings ng iyong anak sa mga pinagkakatiwalaang apps o platforms.
3. Maging mapagmatyag, pero igalang pa rin ang privacy.
Hanapin ang perpektong balanse kung saan ikaw ay magiging informed sa kaganapan hinggil sa iyong anak, habang nirerespeto pa rin ang mga desisyon nito.
4. Makipag-usap at magpaalala.
Madalas na pag-usapan at paalalahanan ang iyong anak tungkol sa online safety. Ipakilala sa kanila ang konsepto ng “grooming” at laging ipaalala na hindi nila kasalanan kung mangyari sa kanila ito.
Mga Huling Paalala
Matatalino ang mga bata. Pero dahil bago pa lamang sila sa mundo, mahalagang alam nila na mayroon silang patnubay at gabay mula sa kanilang mga magulang. Kapag alam nilang mayroon silang masasandalan kapag may mga taong gustong manamantala sa kanilang murang edad, mas maiibsan ang posibilidad ng OSAEC. Hindi pa man nila maunawaan ngayon kung gaano kaseryoso ang online safety, balang araw ay maaalala nila ang mga panahong naglaan ang kanilang magulang ng oras para protektahan sila sa masasamang tao.
DID YOU KNOW?
7 September 2026
How To Make Children Feel Safe and Heard In Times of Emergency
Learn how to build trust with your children through open communication, empathy, active…
0 Comments4 Minutes
20 August 2026
Australian Charities to Donate To Depending On Your Advocacy
Australian charities to donate to across health, food security, education, human…
0 Comments9 Minutes
19 July 2026
How Less Screen Time Doesn’t Mean Less Risk From OSAEC
Reducing screen time isn't enough. Learn the offline factors that increase children's…
0 Comments4 Minutes
10 July 2026
Online Sexual Abuse Red Flags
Learn the warning signs of online grooming, common red flags, and practical tips to help…
0 Comments8 Minutes
9 July 2026
How To Protect Your Children Against Predators
Learn what online sexual abuse is and discover practical tips to help protect your…
0 Comments7 Minutes
17 June 2026
How Can We Achieve Quality Education Across Nations?
Quality education is key to reducing poverty. This article explores global education gaps…
0 Comments8 Minutes
2 June 2026
Why Are The Poor Always Online? How Poverty Affects Social Media Usage
Exploring how poverty increases vulnerability to social media risks like scams,…
0 Comments8 Minutes
19 May 2026
8 Factors To Alleviate Poverty In Nations
Poverty is a complex issue shaped by systems, policies, and unequal access to…
0 Comments14 Minutes
5 May 2026
Life in Rural China: What You Need to Know About Its People, Culture, and Communities
Explore life in rural China—its culture, livelihoods, education, and challenges. Learn…
0 Comments13 Minutes










